Kuntento kami sa pagiging kakaiba. Walang magarbong palatandaan ng sapi sa tabi ng pangalan namin sa balita. Wala kaming tubo. Wala kaming kinikilingang artistang inaangat sa iba. Kakaiba kami mangalakal, makipagpirmahan o makipagkamayan, kung ihahambing sa madla. At ayos lang lahat ng iyon sa amin. Kami'y ginaganyak sa sari-sariling paraan, hindi takot lumihis sa nakasanayan, at kakaiba kung makipagsapalaran. Kung saan mahalaga para sa ibang kumpanya ang nasa ibaba, ang mahalaga naman sa amin ang... pagpapahalaga. Kung kailan ang kalaba'y may bagay na nais akuin o angkinin, ang paglaya nito ang aming hangarin. At habang halos lahat ng produkto at teknolohiya ay patagong ginagawa, ang sa ami'y sadyang isinisiwalat, upang sa lahat ay maikalat. 'Di kami hawak ng may mataas na antas dahil sa pera o kapangyarihan. Hindi kami tumutugon sa kahit sino, maliban sa inyo. 'Di rin kami kumikilos dahil katuwaan lang siya, kahit talaga namang nakatutuwa. Ganito kami gumawa dahil para sa amin, ito ang tama. Na mas matimbang ang prinsipyo kaysa sa tubo. Na itinataob ang paglihim ng pagtataimtim, ang interes ng iilan ng hinaing ng karamihan. Ang web para sa amin ay dapat inaalagaan kaysa pinagkakakitaan, maging bukal na kinakalinga kaysa maging bagay lang na ibinebenta. At naniniwala kami sa pagbabago na pinauupo ang gumagamit sa tapat ng manibela. Ngunit higit sa lahat, may tiwala kami sa inyo. Para sa amin, ang pinakamagandang browser ay magagawa lamang ng mga enhinyero, programista, ilustrador, at taong tulad niyo, na naglalaan ng oras, dunong, lakas, at tulong sa layunin namin. At naniniwala kaming sama-sama, na may iisang layunin, maipapagpatuloy natin ang pagbabago para sa indibiduwal, at para sa pag-usbong ng web. Upang ngayon at kailanman, ito'y maglilingkod para sa kabutihan. Tayong lahat ay Mozilla Firefox. Hindi lang kami kakaibang browser, kami'y browser na nagsasagawa ng pagkakaiba.